top of page

Simbang Gabi...Mga Tampok na Yugto

Mga pangkaraniwang tao sa kanilang di pangkariniwang pag-ganap sa orihinal at pang-masang bersyon ng Pasko

 

1 

Pamamahayag

Gabriel, Mamamahayag ng Mabuting Balita

 

Ako si Gabriel na naglilingkod sa harap ng Diyos. Sinugo ako upang ihatid sa iyo ang mabuting balita  (Lucas 1:19)

 

Maaaring mahaba o maikli, malapad o makitid sa tingin ng ilan, ngunit ang totoo, isa lang ang sukat ng andamyong tuntungan ng responsableng pamamahayag : ang andamyo ng katotohanan.

 

I

Ang Mabuting Balita, Pamantayan ng Responsableng Pahayag

 

II

Gabriel, Huwaran ng Responsableng Mamamahayag

 

III

Pagbabago ng Lipunan, Layunin ng Responsableng Pamamahayag

 

Bawat mananampalataya ay responsableng mamamahayag yamang pinagkatiwalaan ng Mabuting Balita

 

*****

 

2

Pananalig

Zacarias, Biktima ng Pagaalinlangan

 

Paano ko po matitiyak na mangyayari ito?  Sapagkat ako’y  napakatanda na at gayon din ang aking asawa. Lucas 1:18 

 

Mula sa bukid ng pagaalinlangan sumisibol ang dawag ng kabiguan. Mula naman sa bukid ng pananalig, sumisibol ang butil ng himala.

 

Ang tunay na pananalig ay nagbubunga ng :

I

Pakikisangkot bilang uri ng buhay, hindi ritual na pakikilahok lamang.

 

II

Pananalangin bilang disiplina ng komunikasyon, hindi litanya ng pamamalimos lamang.

 

III

Pagtitiwala bilang susi ng relasyon, hindi puhunan para sa hinahangad na biyaya lamang.

 

Kadalasan, ang sariling pag-a-alinlangan ang sagka sa marubdob  na hangarin makisangkot sa pagbabago ng lipunan.

 

*****

3

Paglingap

Elisabet, Tagapagmana ng Himala

 

Ngayo’y nilingap ako ng Panginoon...Ginawa Niya ito upang alisin ang aking kadustaan sa harapan ng mga tao.  Lucas 1:25

 

Himala ang tawag ng marami sa  pagkilos ng Diyos sa mga suliraning hindi na nila kayang lutasin. Ngunit  para sa mga hinirang,  ito ay kapahayagan lamang ng Kanyang paglingap!

 

Elisabet...

I

Hindi isinilang upang dustain kundi hinirang upang lingapin.

 

II

Hindi trahedya ng lahi kundi Epiko ng Pananampalataya.

 

III

Hindi biktima ng tadhana kundi Tagapagmana  ng Himala

 

Tayo sina Zacarias, Elisabet, at Juan sa yugtong ito ng nagpapatuloy na kasaysayan...Kailangan gisingin mula sa pagaalinlangan; kailangan lingapin mula sa kadustaan; at kailangan ipanganak na muli sa espiritu at kapangyarihan ni Elias upang ipaghanda ng daan ang Panginoon sa muli Niyang pagdatal!

 

*****

 

4 

Pagpapala

Maria, Dalagang Pinagpala

 

Matuwa ka! Ikaw ay kalugod-lugod as Diyos...Sumasaiyo ang Pnginoon. Lucas 1:28

 

“Pinagpala”- katangian nauukol lamang sa mga kinalulugdan ng Diyos. Minsang ito ay makamit, karangalan nang tataglayin habang panahon.

 

Pagpapala...

I

Mula sa Diyos

 

II

Para sa Kinalulugdan ng Diyos

 

III

Karangalan Pang-Habang Panahon

 

Kasaysayan ni Maria ay sadyang kahanga-hanga: nanalig...nagpasakop...kinalugdan...pinagpala!

*****

5

Pagsunod

Jose, Huwaran ng Matalinong Pagsunod.

 

Nang magising si Jose, sinunod niya ang utos ng Anghel ng Panginoon. Mateo 1:24

 

Sa kapahayagan ng kalooban ng Diyos, ang katwiran ay napapalitan ng pagsunod.

 

I

Pagsunod sa Katwiran

 

II

Pagsunod sa Damdamin

 

III

Pagsunod sa Kalooban ng Diyos

 

Pagsunod sa katwiran ayon sa titik ng kautusan at pagsunod sa damdamin ayon sa hibik ng pag-ibig, kapwa makatarungang magagampanan sa pagsunod sa kalooban ng Diyos ayon sa sukat ng pananampalatayang tinataglay!

 

*****

 6

Pagsaksi

Mga Pastol, Saksi ng Mabuting Balita

 

Kaya’t isinalaysay nila ang mga sinabi ng Anghel tungkol sa sanggol...at nagtaka ang lahat ng nakarinig sa sinabi ng mga pastol. (Lucas 2:17-18)

 

Sinumang saksi ay may pananagutang matapat na isiwalat ang kanyang nasaksihan. Kung hindi niya gawin ito o kung ito ay kanyang ikubli dahil sa pansariling pakinabang, lilitaw ang isa pang saksi--ang kanyang kunsiyensa—na magsisiwalat ng kanyang ikinubli at ng kanyang pagkukubli.

Pagsaksi...

I

Di Matatakasang Pananagutan

 

II

Maglalantad ng Katotohanan

 

III

Maghahatid ng Katarungan

 

Ngayon higit kailanman, kailangang-kailangan ang mga tapat na saksi sa paglilinis at pagbabago ng lipunan at pag-iral ng katwiran at katarungan sa buong lupain!

*****

7

Pamamatnubay

 

Talang Patnubay

 

Muli silang pinatnubayn ng talang nakita nila sa Silangan hanggang sa sumapit ito sa tapat ng kinaroroonan ng bata. Mateo 2:9

 

Maaaring tumanyag sa sariling liwanag at angking katangian ngunit kung hiranging “talang patnubay” kuminang lamang sa tamang panahon at para sa mga pinapapatnubayan lamang.

 

 

Ang tungkulin ng Pamamatnubay ay natatanging Komisyon. May ispisipikong termino at limitasyon –

 

I

May Tiyak na Panahon ng Pamamatnubay

 

II

May Tiyak na Lugar ng Pamamatnubay

 

III

May Tiyak na Kawan na Papatnubayan

 

aimpilipinas kong minamahal, magtapat ka sa iyong pagkahirang : Patnubay para sa naghahanap ng kaligtasan, kaligaligan para sa mga mapanlinlang. Kuminang alang-alang sa pinapatnubayang kawan ngunit magkubli sa ulap kung  ang  iyong liwanag sa nais samantalahin ng tusong kaaway!

 

*****

8

Paghihintay

 

Simeon, Tagapagmana ng Pangako

 

Kunin Mo na Panginoon ang iyong abang alipin, ayon sa Iyong pangako, yamang nakita na ng aking mga mata ang iyong pagliligtas. Lucas 2:29-30

 

Ang kaligtasan ay kasama nang nararanasan  sa pagkamalas pa lamang sa Tagapagligtas kung ang pangako ng pagliligtas ay malaon nang inangkin at marubdob na hinihintay.

 

Para sa mga tunay na tagapagmana ng pangako, ang Paghihintay ay nangangahulugan ng...

 

I

Pamumuhay sa Presensya  ng Diyos

 

“Matapat at malapit sa Diyos ang Taong ito.”Lucas 2:25

 

II

Pakikinig sa Pahayag ng Diyos

 

“Sumasakanya ang Espiritu Santo na nagpahayag sa kanya na hindi siya mamamatay hangga’t hindi niya nakikita  ang Mesias na ipinangako ng Panginoon.”Lucas 2:26

 

III

Pagtitiwala sa Gabay ng Diyos

“Sa patnubay ng Espiritu Santo, pumasok siya sa templo.”Lucas 2:27

 

“Nakita na ng mga mata ko ang Iyong pagliligtas.” Papuri ni Simeon ay papuri ng lahat ng mga tunay na tagapagmana ng Pangako ng Panginoon!

 

*****

9

Pasasalamat

 

Ana, Katiwala ng Pangitain ng Paglaya

 

Lumapit siya nang oras ding yaon at nagpasalamat sa Diyos. Nagsalita rin siya tungkol kay Jesus sa lahat ng naghihintay sa pagpapalaya ng Diyos.   Lucas 2:38

 

Ang  kaganapan ng pangitain -  lalo pa  ang pangitain ng paglaya – gaano man katagal hinintay ay nagpapalukso ng damdamin at naghahatid sa mga tagapagmana nito tungo sa pagdiriwang at pasasalamat!

 

Pangitain ng Paglaya...

 

I

Marubdob na Hinihintay

 

“At ngayon, walumpu’t apat na taon na siya...”

 

II

Aktibong Kinikilusan

 

“Lagi  siya sa templo at araw-gabi’y sumasamba sa Diyos sa pamamagitan ng  pagaayuno at pananalangin.”

 

III

Ipinagdiriwang Bawat Yugto ng Kaganapan

 

“Lumapit siya nang oras ding iyon at nagpasalamat.” Bawat mananampalataya ay katiwala ng pangitain ng paglaya at mamamahayag ng Mabuting Balita ng Pagliligtas!

​​

*****

10

Bisperas

 

Wakas ng Kadiliman...Simula ng Kagalakan

 

Namamanaag ang liwanag  sa mga taong namumuhay sa lupaing balot ng dilim. Iyong pinasigla ang kanilang pagdiriwang, dinagdagan mo ang tuwa, tulad ng mga tao sa panahon ng anihan.

Isaias 9:2-3

 

Ang sukdulang yugto ng pananabik ay naaabot sa pagkamalas sa anino ng hinihintay... kasunod nito ay walang kahulilip na kaligayahan kung matiyak na ITO ay SIYA na nga!

 

I

Kapanapanabik

Isaias 9:2-7

 

II

Kahanga-hanga

Tito 2:11-14

 

III

Kagila-gilalas

Lucas 2:10-14

 

Sa pagkakait ng mga maringal na panuluyan, ang mga pusong nagtiwala, nagpuyat at sabik na naghintay...ang nagging banig, kumot at

balabal ng Panginoon nang una Siyang dumatal!

 

Maghanda! Maaaring muli Siyang dumating sa anyo ng hubad na Pasko.

​​

*****

​11

Pasko

 

Pagdiriwang ng Pagliligtas

 

Sa lahat ng bansa ang kamay ni Yahweh na tanda ng lakas ay makikita ng mga nilalang at ang pagliligtas nitong ating Diyos ay tiyak na mahahayag. Isaias 52:10

 

Sa ilang yugto ng kasaysayan ang walang kapantay na Pag-ibig ng Diyos ay ipinagdiriwang sa anyo ng Pasko – Pasko ng Kapanganakan at Pasko ng Pagkabuhay na Muli – pagdiriwang ng pasasalamat sa dakilang pagliligtas ng Diyos!

 

Pagdiriwang ng Pagliligtas –

I

Pagliligtas sa Bayang Hinirang

 

II

 Pagliligtas sa Bayang Inampon

 

III

Pagliligtas sa Sangsinukob

 

Ang dakilang pagliligtas ng Diyos ay unang ibinigay sa anyo ng Pangitain at ipinagkatiwalang ipahayag ng mga Propeta. Kasunod, tinaglay nito ang anyo ng Mabuting Balita at ipinagkatiwalang ihatid ng Anghel ng Panginoon. At tinaglay nito ang anyo ng Krus at ipinag-alay ng buhay ni Jesus. Ngayon taglay nito ang anyo ng Misyon at itinagubiling ipag-alay ng buhay ng mga Alagad at ng Iglesia, kasama na ang aimpilipinas. Hanapin natin ang di pangkaraniwang papel na dapat nating gampanan sa pagsasabuhay ng orihinal at pang-masang bersyon ng Pasko, ngayon sa kinalalagyan nating panahon.

 

*****

12

Medya Noche

 

Panahon ng Muling Pakikipagtipan

 

Ang lahat ng pangyayari sa daigdig ay nagaganap sa panahong itinakda ng Diyos. Mangangaral 3:1

 

Gulong ng Palad ang pagkaunawa ng ilan sa kaganapang paulit-ulit at kapanahunang pabalik-balik. Ngunit para sa mananampalataya, ang buhay ay “paglalakbay” na may tinutungong tiyak na hangganan. Bawat yugto nito, bagama’t nasusukat sa bilang ng araw, ay pawang sariwang kaganapan!

 

I

Balik-Tanaw sa Nakaraan

 

II

Pukol-Tanaw sa Hinaharap

 

III

Muling Pakikipagtipan sa MayAkda ng Kasaysayan

 

Turuan  kaming bilangin ang aming mga araw...Tulungan din kaming magtasa ng uri ng aming pakikisangkot sa nagpapatuloy ng kasaysayan ng Iyong Pagliligtas!

 

bottom of page